Salamin
Sa kwento ng iyong buhay, ikaw ang prinsesa, ikaw rin ang alipin pero sino ka nga ba? Kilala mo nga ba ang sarili mo? Tumingin ka sa salamin. Ito ba ang tunay na ikaw o isa ka lamang kathang isip na nilikha ng isang makata? Alam mo ba kung bakit ka nandito? Maiiba ba ang iyong pananaw sa buhay pag alam mo? Sa iyo nga ba talaga ang iyong buhay? O kontrolado ka ng mga idelohiyang pinaglalaban mo? Ano nga ba ang tama? Ano nga ba ang mali?
Mga tanong…
Mga tanong…
May katapusan ba ang mga ito? Ano ang iyong gagawin sa iyong buhay para masabi mong talagang iyo ito? Magpapatuloy ka bang mabuhay sa mortal na daigdig o magiging duwag ka at tatapusin mo na ito? Ano ba ang sukat ng ‘katapangan’? katapangan ba ang mabuhay ng patuloy at hamunin ang mundo para ipakitang mali ka nga ? o mas matapang ka na tapusin na ito at harapin ang isang katapusan na dapat di ikaw ang gagawa? Kaduwagan ba ang talikuran ang buhay at yakapin si kamatayan? Ano ang iyong gagawin kung pati si kamatayan ay itakwil ka at hahayaang mabuhay ng patuloy hanggang makita mo ang tunay na ikaw?
Ano ang iyong gagawin upang mawala ang bahid ng dugo mula sa iyong kamay at mukha? Ano ang iyong gagawin upang di mo na marinig ang mga sigaw na nagmumula sa ilalim ng lupa? Ano ang gagawin mo pag nakita mo ang sarili mo salamin ngunit ang nakita mo ay multo na lamang ng iyong dating katauhan? Ano ang iyong gagawin kung nahanap mo ang tunay mong sarili sa iyong anino?
Umiyak ka man di mo na kayang hugasan ang iyong mga pagkakamali. Lumipad ka man upang hagkan ang langit, ngunit nung inakala mong nandoon ka na, natagpuan mo ang iyong sarili sa yakap ng kadiliman. Haharapin mo ba ang multo ng iyong nakaraan o magatatgo ka na lang habang buhay sa likod ng mga kasinungalingan? Paano ka lalaya mula sa iyong sariling kulungan na ikaw rin lang ang lumikha?
Ano ba talaga? Ano ba talaga ang buhay? Ano ba talaga ang kamatayan? Ano ba talaga ang kasiyahan? Ano ba talaga kalungkutan? Ano ba talaga ang pag-ibig? Ano ba talaga kabiguan?
Ang lahat ng ito ay masasagot ng tao pero iba-iba ang kasagutan sa base sa bawat pananaw. Puwedeng ang buhay ay ang buhay na matatagpuan pagkatpos ng mortal na kamatayan. Pwede ring ang kamatayan ay ang araw-araw na pagkukunwari na babalik ang isang taong di talaga para sa iyo. Puwede ring ang kasiyahan ang pagpaparaya upang sumaya ang isang iniibig, kahit na ang katumbas ay habang buhay na pagpatak ng luha. Puwede ring ang kabiguan ay mapapasa-iyo nga ang pisikal na katawan ng taong mahal ngunit ang puso’t isipan nya ay nasa iba.
Ako, nahanapan ko na ang aking sarili. Natanggap ko na ring ang aking buhay ay di akin. Natanggap ko na ring na ang mga katanungan sa buhay ay di nasasagot sa isang iglap lang. nahahanap o nasasagot ang mga ito sa mga sitwasyong ating tinatahak araw-araw. Ang sariling pananaw ay di dapat ipagpilitan sapagkat bawat tao ay may sariling perosnalidad, may sariling paniniwala, may sariling pag-iisip. Ang tao ay sadyang matalino pero nagpapakatanga lamang kung minsan. At inaamin kong ako rin ay may mga katangahan na nagagawa at ikinakahiya sa una pero tinatawanan ko na lang sa kalaonan. Wala akong pakialam kung may paniniwala ka sa Diyos o wala. Respetohin mo ako at ibabalik ko ang respetong ibinigay mo sa akin. Wala akong pakialam kung ano ka sa iyong nakaraan. Tatanggapin kita kung ano ka at kung sino ka. Wag mo lang akong husgahan sapagkat hindi ikaw ang nagbigay buhay sa akin. Kung ayaw mo sa akin, di ko ipagpipilitan ang sarili ko sa iyo o kaya’y baguhin ang mga paniniwala at katauhan upang magustuhan ako ng lipunan.
Ikaw, nahanap mo na ba ang iyong sarili? Gusto mo ba ang iyong nakikita? Kung hindi, ano ang iyong gagawin? Kung oo, ipagpapatuloy mo ba ang iyong kasalukuyan?
Mga tanong…
Mga tanong…
May katapusan ba ang mga ito?
Sa salamin ng buhay, nakita mo ang iyong tunay na sarili. Gusto mo ba ang iyong nakikita?
Labels: Mga kathang isip lamang
0 Comments:
Post a Comment
<< Home