Kumbento...
May mga oras na naiisisp kong lumayo, magtago, at lunurin lahat ng problema sa pamamagitan ng pagiging mag-isa. Lalo na nung nakaraang buwan, depresyon ang kasama kahit saan magpunta. Natatahimik lang ang isipan sa loob ng simbahan o kaya sa munting kapilya ng aming unibersidad. Pero sa katahimikan ng gabi, naiisip ang mga bagay-bagay na di dapat isipin. Sa isip ko, wala rin lang silbi ang huminga ng walang dahilan. Ang mga taong iyong inaasahan na dadamay sa iyo, sila ang lumalayo. Sila ang nagsabi, nag-aalala kami sa iyo kasi di ka nagsasabi ng problema mo, dito lang kami, sabihin mo ang problema mo. At nung kailangan mo sila sabihan ka pa nang: Lahat naman ng tao may problema, di lang ikaw ang may problema. (Narinig ko rin yan sa pelikulang "I'm Falling" nina Kim at Gerard.) Ang mga taong di dapat manakit sa iyo, silang ang dahilan kung bakit gusto mong lumayo at mawala na ng tuluyan. Kung minsan gusto ko ng sumuko, bumigay sa drama ng pagiging mag-isa. Alam ko mababaw sa iba ang mga ganitong sitwasyon. Yun din ang nasa isip ko nung di ko naranasan ang maisan tabi pagtapos gamitin ang mga salitang "kaibigan kita, di kita iiwan." Pero ayun ang nangyari, sinadya man o di sinadya, nangyari yun. Isang hibla na lang ng pag-asa ang hinahawakan para di mahulog, pero naputol pa. Di ako bumitaw. Nahulog ako ng tuluyan sa depresyon at gustong-gusto ko nang sumuko. Nasa kamay ko pa rin ang hibla na nagpapatunay na kahit papaano, di ako naging mag-isa sa isang kabanata ng aking buhay. Pero ang hiblang yun ay unti-unting nagiging abo sa bawat araw na lumilipas na may nalalaman akong panibagong kasinungalingan o isang katotohanang ikinubli sa akin. At kung madudugtungan pa man ito, may lamat na. Di na maibabalik ng tulad ng dati.
Iba pala pag ikaw na mismo ang nakakaranas ng depresyon. At masasabi kong mahirap. Napakahirap umasa na naman, ng magtiwala ulit sa ibang tao at magtiwala sa sarili mismo. Bawat araw, umiiyak ng tahimik sa anino ng kadiliman ng gabi. Kunting bagay lang, napakabigat na para sa akin. Wala na akong maintindihan, nalilito na ako, at nagtatanong, ano nang susunod para sa akin, kawalan?
Pero sa awa ng Diyos, lumipas din yun. Namulat din ako na di ako mag-isa. Nalinawan ang pag-iisip ko sa loob ng simbahan, sa gitna ng sermon ng pari. Tumingin ako sa aking magulang at sa huli, naiisip ko, "Di mo dapat gawin yan. Ang buhay mo ay di talagang iyo. Hiniram mo lang yan. At kung wala ka nang maisip na dahilan upang huminga, tumingin ka sa paligid mo. Nandiyan pa ang pamilya mo na kung minsan may pagkukulang sa iyo pero walang silbi yun kung ikukumpara mo sa mga pagkakataong nanadiyan sila para sa iyo. Nandiyan pa naman SIYA para gabayan ka." At parang sinadya, ang kapatid kong nasa Maynila ay nagpadala ng mensahe na nagsasabing:
Whenever you don't understand what's happening in your life, you just have to close your eyes, take a deep breath and say, "Lord, I know it's Your plan, I put my trust in Your hand..."
Napaluha ako at nasambit ang salamat po sa mga taong nakapaligid sa akin. Mula noon, pinag-iisipan ko na kung paano ko Siya pagsisilbihan. At sa sumunod na linggo, pumunta kami sa Angin, La Union para bisitahin ang pinsan ng aking tatay na isang madre. Nung nagkaharap kami, di ako makatingin ng diretso sa kanya. Naramdaman niya siguro ang magulo kong utak at mabigat na dinadala, at nagtanong kung gusto kong sumama sa kanilang kongregasyon. Natahimik ang mga magulang ko, at sumagot ako na di ko sinasara ang pintuan ng posibildad na ako ay matulad sa kanya, isang madre na iniwan ang lahat ng material na bagay, "earthly possesions" 'ika nga. Naramdaman siguro niya na kailangan ko ng gabay, gabay na di maibibigay ng tao sa akin. Isang gabay na matatagpuan sa loob ng kumbento. Nalaman kong may pagkakawangis ng aming pananaw sa buhay, ang mga tanong na di masasagot agad, ang mga nararamdaman, pero sa kanya, naramdaman niya na may kulang sa buhay nya. Ako, naghahanap ng lugar kung saan di na ako masasaktan.
Nagpaalam kami sa kanya pagkatapos ng ilang oras na kuwentuhan. At nagbigay siya ng mga babasahin tungkol sa isang madre na naghahanap din sagot sa buhay. Pinahiram sa akin yun ng kura paroko nila. Nakuwento siguro ng auntie ko ang sitwasyon kong pinagdadaanan. Bago kami tuluyang umalis, nagbigay sya ng suhestiyon na magretreat ako sa kumbento ng kahit isang linggo lang at mula karanasang makukuha ko, doon ko ibabase ang magiging desisyon ko.
Sa biyahe naming pabalik sa Baguio, ayaw pag-usapan ng mga magulang ko tungkol sa pinag-usapan namin ni Auntie Lilibeth. Ako naman tahimik na nag-iisip. Habang pingmamasadan ko ang mga pabago-bagong tanawin mula sa bintana ng sasakyan, nakapagdesisyon akong papasok sa kumbento pagkatapos ko ng aking pag-aaral. Gusto ko kasing magturo sa mga bata bilang isang misyonaryo pagkatapos ng pamamalagi sa kumbento. Nang talagang determindao na akong sabihin sa mga magulang nung oras na yun, may parang bumulong na huwag. Mas produktibo akong maglingkod sa labas ng kumbento. At naiisp ko ring di naman "fair" sa Kanya kasi gagamitin ko lang ang bokasyon ko para takbuhan ang lahat ng problema ko, lahat ng mga pagkukulang, lahat ng pasakit, lahat ng "insecurities" ko. At gusto ko ring magkaroon ng sariling pamilya. Gusto ko ring makita ang kagandahan ng pag-ibig ng isang tao sa kaniyang kabiyak at sa kanyang anak. Kaya, ang aking pagnanasang maglingkod sa Kanya bilang isang madre ay nawala.
Ngayon, pagod na akong nakayuko. Sinisimulan ko nang mas panindigan ang mga desisyon na ginagawa, nagsasabi kung nasaktan ako at di ko na kinukubli ang mga nararamdaman. Pagod na akong nakayuko. Nagbago na ako. Naging matigas na ako sa mga desisyon na ginagawa. Masaktan na ang masaktan, ayoko nang magkunwari.. Ayoko ko nang nakayuko. Nakapagod ang pagsamantalahan ang pagtitiwalang binigay sa mga taong di naman pala dapat pagkatiwalaan. Pagod na akong umasa sa mga binitawang pangako ng mga taong wala rin palang isang salita. Kaya ko nang lumakad ng mag-isa. Ako na lang ang inaasahang kung tutulong sa akin kung ako ay madadapa. Alam kong maaasahan ko ang pamilya ko para sa suporta nila, at palagi silang nandiyan para tulungan ako, pero di ako dapat palaging umasa sa kanila. Tinuruan nila ako ng mabuti kung paano paninidigan ang lahat ng mga pangakong bibitawan. Tinuruan din ako ng buhay kung paano maging matatag. Kung maninibago ang mundo sa akin, tanggapin na lang nila na nagbago na ako. Di ako bato. Masasaktan pa rin ako pero mas alam ko na ang mg a gagawin ko kung saka-sakaling mangyari ulit yun. Maaasahan pa rin akong maging isang tunay na kaibigan pero pag ako ang sinaktan pasensyahan na lang, sila ang nawalan. Mabubuhay na ako ng wala sila. Pagod na akong umasa. Kailangan ko nang tumayo mag-isa.
Labels: Talaan..
0 Comments:
Post a Comment
<< Home