Saan Ka Pupunta?
Saan ka pupunta sa mundong ito kung ang lahat ng lugar na patutunguhan mo ay puno ng maligno na nagpapanggap na tao? Saan ka tatakbo kung sa lahat ng sulok may naghihintay para sunggaban ka at himukin na sumama sa liko-liko nilang pag-iisip? Saan ka pupunta kung sa gilid ng kalsada, nakaabang ang tukso na lulukob sa iyong mundo? Saan ka pupunta kung kahit anong gawin mo, nakabuntot pa rin sila sa iyo?
Tumakbo ka, sumigaw ka, tumalon ka, magtago ka, nandiyan pa rin ang iyong nakaraang ayaw kang lubayan. Pati sa kamatayan ayaw kang iwan. Hahabulin ka pa rin kahit na nailabas mo na ang huli mong hininga. Nandyan sila sa loob ng iyong utak, mga halimaw na iyong nilikha, kahit pumikit ka, nakikita mo sa likod ng iyong isipan ang kanilang mga matang nakatingin sa iyong mukha. Di mo mabura sa alaala ang mga ngiting may ibang kahulugan maliban sa kaligayahan. Magsisi ka man, huli na. ang kapatawaran na iyong hinihiling ay di na mapapasa iyo.
Iwasan mo man, nakadikit pa rin sila sa iyo na parang balat. Alisin mo man ay mag-iiwan ng pilat na siyang magpapaalala sa iyo ng mga demonyong gumagambala sa iyong pagtulog. Tulog ka man o gising, para ka pa ring nanaginip. Parang kang nakalutang sa hangin at nakatingin sa iyong mortal na katawan na tumatakbo palayo ng palayo mula sa iyong mundo. Pero sa iyong paglingon sa iyong likuran, nakita mong di ka man lang lumayo kahit isang hakbang man lang mula sa iyong kinatatayuan. Luminga ka sa iyong paligid at walang kang nakita kundi mga matang nanalilisik sa galit at gutom. Nakita mo ang apoy mula sa kanilang mga mata na di kayang diligan kahit ng iyong dugo na tumatagos mula sa sugat ng iyong kaluluwa. At ang gutom nila ay malalasahan mo sa hanging nakapalagid sa iyo. Pati ang mga diyos at diyosa ay wala nang magawa kundi ibigay ka ng kusa sa mga kamay na naghihintay para paghatian ang iyong laman. Pipirapirasuhin ito hanggang maging singlaki na lang ng abo sa hangin, ngunit ang galit at gutom ay nandun pa rin.
Ito na ba ang mundong nalikha mula sa iyong imahinasyon? Saan ka pupunta upang matakasan ang iyong kahapon? Saan ka pupunta pag ang pintuan sa iyong katinuan ay nakapinid sa kabila ng tulay na di mo makita pati sa liwanag? Ano ang iyong gagawin kung ang akala mong pakpak na binigay sa iyo upang makalipad tungo sa kaligtasan, ay siya ring dahilan upang bumulusok pababa sa kawalan? Ano ang iyong gagawin upang magising sa isang bangungot na siyang pumipigil sa iyo upang mabuhay sa labas ng karimlan na bumabalot sa iyong diwa? Ano ang gagawin mo pag nalaman mong katotohanan na pala ang bangungot na bumabagabag sa iyo? Ano ang iyong gagawin upang makawala sa larawan na naging iyong bilangguan mula pa noong ika’y isang musmos pa lamang?
Ano ang iyong gagawin pag nalaman mong isa ka lang palang larawan na nakasabit sa dingding?
Labels: Mga kathang isip lamang
0 Comments:
Post a Comment
<< Home