Friday, February 09, 2007

Estranghero



Bakit siya nandito? Siya man, di niya alam. Basta nagising na lang siya isang umaga at di niya alam kung nasaan siya. Kakaiba siya sa mga nilalang dito. Di niya alam kung ano ang kakaiba sa kanya. Pero sila, ayaw siyang kausapin, lapitan, ni tignan man lang.


Dahil ba sa bukol sa kanyang likod o ang magaspang niyang balat? O kaya’y ang buhok niyang parang walang buhay, nakabuhaghag at nakatago sa talukbong na siya ring nagtatago sa malaking bukol sa kaniyang likod. Pero kung tignan man lang siya kahit panandalian lamang, makikita nila na ang kaibahan niya sa kanilang lahat ay ang kanyang mga mata. Walang panama ang kislap ng mga bituin sa kanilang kinang at tila hiniram ng langit ang kanilang kulay. Kulay bughaw, singbughaw ng langit sa mga araw na walang ulap na matatanaw.


Kung ilalaan lang nila kahit konting sandali upang masilayan man nila ang kanyang mga ngiti sa mga ibon at sa mga puno, makikita ang larawan ng tunay na kasiyahan. Kung kinausap man lang nila kahit minsan, sana’y narinig nila ang malambing niyang boses na pumapawi sa kanilang pagkabagabag dahil sa kanilang problema. Kung nilaan lang sana nila ang konti ng kanilang oras upang kilalanin siya, makikilala nila ang isang taong may busilak na puso.


Ngunit lahat sila, maliban sa isa, di man lang nila siya binigyan ng halaga. Lahat sila maliban sa isang bulag, na tulad niya, kinukuntya ng madla. Mula sa araw na napadpad siya sa lugar na iyon, tinulungan na siya ng bulag upang magpalakas. Tinanggap siya kung ano siya at nanirahan siya sa kanyang pamamahay.


Di man makita ng bulag, nararamdaman niya ang kakaibang aurang nanggagaling sa kanya. Isang aurang di maintindihan pero basta magkasama sila, di siya nababalisa. Tuwing naririnig ng bulag ang boses niya, wala na siyang inaalintana. Tuwing magkasama sila lahat ng nakakalungkot na nakaraan niya ay nagiging masaya. Tuwing magkasama sila, masaya siya. Di niya alam kung bakit pero unti unting nahuhulog ang loob niya sa babaeng estranghero na dumating sa kanyang buhay isang umaga.


Isang araw, may namatay na bata sa kanilang lugar. Ang sabi ng kaniyang magulang na bigla na lang nagkasakit at siya ang kanyang ikinamatay. Isinisi nila sa dalagang estranghero ang nangyari at pinaratangan nilang isa siyang salot. Alam ng lahat na ito’y isang kasinungalingan. Ang totoo’y matagal ng may sakit ang bata ngunit pinabayaan siya ng kanyang mga magulang. Ang tatay niya’y inuna ang sugal at alak.Ang nanay niya’y inuna ang tsismis at mga kapritso. Pero dahil sa takot nila sa dalagang estranghero, sinugod ng mga mamamayan ang bahay ng bulag sa gitna ng burol.


Narinig ng bulag ang kaguluhan at dagli-dagli niyang itinakas ang dalaga. Dahil sa buong buhay niya ay nakitira sa burol na kung saan merong kagubatan, madali nilang natakasan ang galit na galit mamamayan. Nang malapit na sila sa tuktok ng burol, nadapa ang babae at nasabi niyang napilyan siya. Iniangkas ng binatang bulag ang dalaga sa kanyang likod at dahan silang ipinagpatuloy ang pag-akyat. Habang siya’y naglakad ibinuhos niya ang kaniyang nararamdaman sa dalaga.


Nang matapos na niyang masabi ang kaiyang nararamdaman. Pinahinto siya ng dalaga sa kanyang paglalakad. Dahan-dahang bumaba ang dalaga mula sa kanyang likod at tumayo sa harapan ng binata. Tinanong niya kung bakit sila tumigil. Di umimik ang dalaga pero naramdaman ng bulag ang kamay nyia sa kanyang mukha. Unting-unti niyang sinasalang ang bawat bahagi ng kanyang mukha. Ang akala ng bulag ay magaspang ang kamay ng babaeng kaharap niya ngunit nagkamali siya. Sinkinis ng seda ang kanyang kamay habang sinasalat niya ang mukha ng bulag. Naramdaman din ng bulag ang unti uting pagdampi ng labi ng estrangherong babae sa kanyang noo. Ang labi niya ay singlambot ng bulak. Hinagkan din niya ng ibabaw ng ilong ng binata at naamoy ng binata ang bango ng kanyang hininga. Naramdaman din niya ang unti unting pagdampi ng malabot na labi ng dalaga sa kanyang labi.


Sa unang pagkakataon, naranasan ng binata ang isang halik na inosente at dalisay. Sa pagkakataon na iyon, tumigil ang pag-ikot ng orasan. Ayaw na niyang pakawalan ang dalaga mula sa kaniyang mga bisig. At sa unang pagkakataon, nakakita na ang binata. Sa unang pagkakataon, nakita niya ang itsura ng babaeng kaharap niya. Ngunit di siya tulad ng iba na ang di pangkaraniwang itsura ng babae ang napanpansin. Ang una niyang nakita ay ang mga mata ng dalaga. Di niya napansin ang bukol sa likod ng babae, ngunit napansin niya ang ngiti nito sa kanyang mga labi. Tinanong ng dalaga kung bakit di siya natakot sa kanyang itsura. Nangiti na lang ang binata at sa huli’y nasambit na bakit siya matatakot sa anghel na nasa harap niya.


Ngunit nabulabog sila sa malalakas na boses ng mga parating na mga tao. Dagli-dagling hinawakan ng dalaga ang kamay ng binata at hinatak papunta sa tutok ng burol. Tumakbo sila ng tumakbo hanggang maabot ang pinaka itutok ng burol. Sa di kalayuan, parating na ang mga tao.


Sa pinaka ituktok ng burol, may isang bato na pwedeng tuntungan ng tao . Doon makikita ang bulubundukin sa bandang kaliwa at ang karagatan naman sa bandang kanan. Ngunit ito’y isang mapanganib na lugar sapagkat isang bangin ang nag-aabang pag nagkamali ng hakbang ang sino mang tumuntong dito. Ngunit di inalintana ng dalaga ang panganib na ito. Tumuntong pa rin siya sa malaking bato ngunit di binitawan ng binata ang kanyang kamay.


Sa tuktok ng burol, mararamdaman ang malakas na hangin. Ito ay nanggagaling sa karagatan at sa mga bulubundukin. Mula sa kanyang tinutuntungan ng dalaga, hinarap niya ang karagatan. Pagkatapos, tumingin siya sa binata na naguguluhan sa mga kinikilos ng dalaga. Ngunit dahil sa kislap ng mga mata at sa ngiti sa labi ng dalaga, napawi ito at sinukilan din niya ito ng ngiti.


Nahinto ang mga tao nang makita nila ang dalawa sa ibabaw ng malaking bato. Nabigla na lang sila sa kanilang nakita ng may kung anong puwersa ang humatak sa talukbong ng babae. Ang nakita nila ay hindi isang kubana may buhaghag n buhok kundi isang nilalang na may pakpak at may bughaw na mata. At sa isang iglap, pumaitaas ng paikot na siya kasama ang binatang dati’y bulag. Nawala silang pareho sa mga ulap sa kalangitan. At ng makita uli nila ang dalawa pagkalipas ng ilang minuto, pareho n silang may pakapak at lumipad patungo sa sumisikat na araw.


Hanggang sa araw na ito, di pa rin maalis ng mga tao ang pangyayaring yaon. May nagsabing sila ay mga salot at ang iba naman ay nagsabing silaay mga engkanto. Ngunit ayon sa mga matatanda, sila ay mga nagkasalang anghel. Unang dumating ang bulag na binata dahil sa umibig siya sa isang mortal na babae. At dahil sa kanya, nasiraan ng bait sa pagkabigla at di kalaonan namatay ang babae. Ang dalagang kuba naman ay sumuway sa kautusan ng Diyos at nakialam siya sa buhay ng kanyang pinoprotekhang bata na siya ring naging sanhi ng pagkamatay ng bata. Sinumpa sila na sila’y mananatili sa kanilang kalagayang iyon hanggang may tumaggap sa kanila kung ano sila at di dahil sa panglabas na anyo.


Mula noon, wala na silang balita tungkol sa dalawa. At mula na rin noon,ang mga tao ay di n mapanghusga. Naging masagana na rin ang kanilang pamumuhay ngunit sila’y naging matulungin sa kapwa nila. Paminsan-minsan habang naglalaro ang mga bata sa ituktok ng burol, meron silang natatanaw na dalawang tila mga ibon na lumilipad sa kalawakan sa ibabaw ng kanilang lugar. At ayon sa kanila, tila mga ibon na lumilipad ay ung binata at dalaga na minsan ay nanirahan sa kanilang bayan. Sila na ang tagabantay ng kanilang munting bayan upang di na uli sila bumalik sa dati nilang pag-uugali.


Ano pa man ang katotohanan sa likod ng kuwento, silang dalawa na lang ang makakapag-sabi kung ano yun. Ngunit dahil sa walang naglaan ng panahon nila para makilala nila ang mga ito, ang lahat, hanggang ngayon, ay puro haka-haka lamang.

Labels:

0 Comments:

Post a Comment

<< Home